Dambuhalang baha, nagbabadya sa Bulacan!
MALOLOS CITY, Bulacan, Philippines — Maraming residente ang nababahala sa kakaibang pagtaas ng tubig mula sa high tide na nagpapabaha sa panahon ng tag-araw sa mga mababang lugar o baybayin sa lalawigang ito.
Sa report, mula sa mababang high tide na 3.9 feet ay marami nang kabahayan sa bayan ng Hagonoy, Calumpit, Bocaue, Bulakan at iba pang mababang lugar sa lalawigang ito na malapit sa baybayin ang binabaha.
Dahil dito, posibleng umanong mas mataas ang dadanasin nilang baha sakaling magkasabay ang paparating na bagyo, dambuhalang high tide na mas mataas pa sa 4 feet, at pagpapakawala ng mga Dam gaya ng Bustos Dam na may nasirang rubber gate 3.
Kaugnay nito, ipinahayag ni Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) chief Manuel Lukban na walang dapat ikabahala ang publiko sa nasirang rubber gate 3.
Aniya, nakapag-imbestiga at may plano na ang National Irrigation Administration (NIA) sa rehiyon sa nasirang gate, una ang nakatakdang paglagay sa lalong madaling panahon ng sheet pile na magiging kahalili nang dumapang rubber gate sa pagharang ng tubig.
Nabatid rin ang pagpaprayoridad kalaunan ng kinauukulan sa pagpapalit ng lahat o anim na standard rubber gate sa Bustos Dam para sa ligtas na tarangkahan nito.
- Latest