Bahagi ng pilot test sa P20/kilo bigas 35K bags ng NFA rice dumating sa Cebu
MANILA, Philippines — Sinimulan na ng National Food Authority (NFA) na magdiskarga ng 35,000 bags ng well-milled na bigas sa Cebu mula sa Mindoro na bahagi ng “pilot test” sa Visayas para sa P20-a-kilo na programa sa bigas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Nagkasundo ang Cebu, Bohol, Siquijor at Southern Leyte na sumali sa subsidized rice incentive at magkakaroon ng inisyal at pinagsamang order ng 673,000 50-kilo bags para sa pilot test na tatagal hanggang Disyembre upang kulektahin ang kinakailangang data sa pagpapalawig pa ng programa.
Sinabi ni NFA Administrator Larry Lacson na ang shipment ay bahagi ng 600,000 bags ng bigas na inorder ni Cebu Gobernor Gwendolyn Garcia para sa inisyatibang “Benteng Bigas Meron Na! (BBM Na!).
Nag-order naman ang Siquijor ng 40,000 bags ng bigas, 30,000 bags naman ang inorder ng Southern Leyte, at ang Bohol naman ay umorder ng 3,000 bags.
Ang P20, BBM Na! Ay subsidiyang rice program na magkatuwang na ipinatupad ng Department of Agriculture (DA) sa pamamagitan ng Food Terminal Inc. (FTI), sa pakikipagtulungan ng sumaling local government units. Ang FTI at LGU ang babalikat ng pantay na P13-per kilo subsidy upang maibaba ang retail price ng bigas ng hanggang P20. Ang bigas ay kukunin sa NFA stocks na pinili sa mga lokal na magsasaka.
Naglaan si President Marcos ng P4.5 billion mula sa kanyang contingency fund upang suportahan ang pilot implementation ng programa na tatagal hanggang Disyembre.
- Latest