Laban kay Cong. Joey Salceda Disqualified governor ng Albay, wagi sa eleksyon
LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Wagi bilang gobernador ng Albay sa nakaraang halalan laban kay 2nd District Cong. Joey Salceda si dating Legazpi City Mayor Noel Rosal na una nang diniskwalipika ng Commission on Elections (Comelec) bilang kandidatong gobernador noong 2022 local election dahil sa paglabag sa Omnibus Election Code.
Si Rosal na nakakuha ng botong 425,718 ay nanalo ng 11,084 na lamang laban kay Salceda na nakakuha ng 414,634. Madaling araw pa lang ay binati na ni Salceda ang kalaban dahil sa pangunguna nito sa bilangan.
Si Rosal ay guilty sa kaso at pinatawan din ng Ombdusman ng disqualification sa puwesto at habambuhay na pagbabawal na maupo sa anumang sangay ng pamahalaan dahil sa hiwalay na kasong grave misconduct and oppression bunsod sa iligal na reassignment ng tatlong kawani ng kapitolyo noong nakaupo siya bilang gobernador sa loob ng pitong buwan bago siya diniskwalipika ng Comelec En Banc.
Inaasahan naman ng kanyang mga kalaban sa pulitika sa lalawigan na lalabas sa susunod na mga araw ang desisyon ng Korte Suprema hinggil sa pagtanggal ng Temporary Restraining Order (TRO) at i-affirm ang naging hatol sa kanya ng Comelec.
Malaki naman ang naging agwat ng ka-tandem ni Salceda na si vice-gubernatorial candidate Farida “Diday” Co na nakababatang kapatid ni Ako Bicol Cong. Elizaldy Co sa kalabang si Hermogenes Alegre Jr. na running mate ni Rosal. Umabot sa 114,216 ang lamang ni Co sa nakuha niyang botong 420,044 laban sa 305,828 ni Alegre.
Talo rin ang asawa ni Rosal na si dating mayor Carmen Geraldine ng Legazpi City kay Hisham Ismael na pinili ng mga tao na maging bagong alkalde ng lunsod.
- Latest