Tserman na sangkot sa Silay shooting, sumuko
MANILA, Philippines — Sumuko na sa pulisya ang isang Barangay Chairman na itinurong sangkot sa pamamaril sa mga supporters ng kalaban nilang kandidato na ikinasawi ng dalawa katao habang pito pa ang nasugatan sa pagdanak ng dugo sa araw ng halalan, ayon sa opisyal nitong Martes.
Base sa report ni Col Rainerio de Chavez, Director ng Negros Occidental Provincial Police Office (NOCPPO) si Arnie Benedicto, chairman ng Brgy. Lantad ay sumurender sa tanggapan ng pulisya bago magtakipsilim nitong eleksyon bagama’t kahapon lamang ito isinapubliko dahil sa isinasagawang imbestigasyon sa kaso.
Patuloy namang pinaghahanap ang tatlo pang suspek mula sa grupo ni Benedicto na itinuturo ng mga nakaligtas na siyang responsable sa pamamaril sa kanilang grupo.
Si Benedicto ay isinailalim na sa kustodya ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)–(NOCPPO).
Noong Lunes dakong alas-7 ng umaga habang ang mga biktima na sinasabing mga supporters ni Silay City Mayor Joedith Gallego ay nagkakape malapit sa headquarters ng Team Asenso ni mayoralty candidate Mark Golez nang dumaan ang behikulo nina Benedicto at paulanan sila ng mga bala.
Nasawi sa insidente sina Albert Salimbot at Ronnie Piedad habang patuloy na nilalapatan ng lunas sa pagamutan ang pitong iba pa.
Itinanggi naman ni Benedicto na siya ang gunman at sinabing handa siyang sumailalim sa paraffin test upang mabatid kung nagpaputok ito ng baril.
- Latest