Botohan nauwi sa riot: Pulis, 3 sibilyan sugatan; 47 katao arestado!

MANILA, Philippines — Apat katao kabilang ang isang police officer ang nasugatan matapos sumiklab ang riot nitong Linggo ng gabi sa bisperas ng national at lokal na halalan sa Rosary Heights 10, Cotabato City.
Samantalang nasakote naman ng pinagsanib na elemento ng pulisya at mga sundalo ang nasa 47 katao na hinihinalang mga sangkot sa nasabing insidente ng karahasan.
Sa pinagsamang ulat ng Cotabato City Police at Army’s 6th Infantry Division (ID), nangyari ang insidente sa Rosary Heights 10 ng lungsod bandang alas-11:15 ng gabi.
Ayon kay Cotabato City Police Director P/Col. Jibin Bongcayao, nagresponde ang pinagsanib na elemento ng pulisya at military sa napaulat na insidente ng komosyon sa nasabing lugar.
Gayunman, habang papasok pa lamang sila sa lugar ay isa mula sa grupo ng mga kalalakihan ang nagpaputok ng baril na ikinasugat ng isang pulis at tatlong sibilyan.
Nasa 47 katao naman na naabutang nasa bisinidad ng nangyaring komosyon ang inaresto ng mga awtoridad at patuloy na iniimbestigahan. Sila ay mula sa Datu Piang, Maguindanao del Sur at Kabuntalan, Maguindanao del Norte.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa kasong ito.
- Latest