2 todas, 7 pa sugatan sa pamamaril sa Silay City!
Sa kasagsagan ng Halalan 2025
MANILA, Philippines — Dalawa katao ang kumpirmadong patay habang pito ang sugatan matapos na walang habas na namaril ang mga armadong grupo at supporters ng isang barangay chairman sa kasagsagan ng eleksyon sa Silay City, Negros Occidental nitong Lunes ng umaga.
Kinilala ang mga nasawi na sina Albert Salimbot ng Hacienda Macamig Pulo, Brgy E. Lopez at Ronnie Piedad, 45, ng Purok Ipil-Ipil, Brgy Mambulac; pawang ng lungsod.
Si Piedad ay dead-on-the-spot sa insidente habang dead-on-arrival sa pagamutan si Salimbot.
Nilalapatan naman ng lunas sa Negros Occidental Provincial Hospital ang mga sugatan na sina Ruel Espinosa, 42; Ric Ortillano, 46; Wilfredo Cuello, 46; Glenn Gutierrez, 46; Ginray Guitche, 32; Jason Belleza at Joey Pomares.
Sa report ni Col. Rainero de Chavez, director ng Negros Occidental Police, alas-7 ng umaga habang nagkakape ang mga biktima sa campaign headquarters ng Grupo Asenso ni dating Mayor Mark Golez sa Brgy, Mambulac, Silay City nang biglang dumaan ang van na sinasakyan ng armadong grupo ni Arnie Benedicto, chairman ng Brgy. Lantad kung saan agad silang pinuntirya ng pamamaril.
Nirapido ng mga suspek ang mga biktima na ikinasawi ng dalawa saka mabilis na nagsitakas.
Kinondena naman ni Brig. Gen. Arnold Thomas Ibay, director ng Police Regional Office-Negros Island Region (PRO-NIR) ang nasabing karahasan at tiniyak sa mga residente ng lungsod na “under control” na ng pulisya ang sitwasyon.
Ipinag-utos na rin ni Ibay ang pagtugis sa mga suspect upang maaresto at mapanagot sa batas.
- Latest