2,800 pulis, sundalo, rescuers ikakalat sa Cavite

CAVITE, Philippines — Upang matiyak ang seguridad para sa 2025 National and Local Elections sa Lunes (Mayo 12), nasa 2,800 pulis, sundalo at mga rescuers ang ikakalat sa buong lalawigan ng Cavite.
Kahapon nagsagawa ang Cavite Police Provincial Office (CPPO) ng isang send-off ceremony sa Camp Gen. Pantaleon Garcia sa Imus City para sa libu-libong puwersa na magbibigay ng seguridad sa halalan sa Lunes katuwang ang iba’t ibang ahensya.
Pinangunahan ni acting Provincial Director PCol. Dwight E. Alegre ang seremonya, kasama ang mga opisyal ng AFP, PCG, BFP, RSU, at iba’t ibang advocacy support groups. Layon ng aktibidad na tiyaking magiging mapayapa, ligtas, at tapat ang halalan sa buong lalawigan.
Kabuuang 2,453 na pulis, 57 sundalo, 21 coast guard, 46 bumbero, 38 RSU personnel, at 257 mula sa support groups ang ipinakalat sa iba’t ibang bahagi ng Cavite. Tututukan nila ang mga checkpoint, paghuli sa mga may iligal na baril, pagsunod sa Comelec gun ban, at pagtugon sa mga ulat ng vote buying.
Nagpasalamat naman si Provincial Election Supervisor Atty. Mitzele Veron Morales-Castro sa mga naglilingkod na personnel at hinikayat muli ang kapulisan at publiko na makipagtulungan at agad ireport ang anumang kahina-hinalang aktibidad kaugnay ng eleksyon.
Samantala, nasa 102 sundalo rin ang idineploy ng 2nd Infantry Division (ID) ng Philippine Army sa Calabarzon at sa Mimaropa kaugnay ng gaganaping halalan sa darating na Lunes, Mayo 12.
Ayon kay Lt. Col. Jeffrex Molina, spokesperson ng 2nd ID, ang nasabing bilang ng mga sundalo ay karagdagan sa kanilang naunang deployment para makatuwang ng PNP at Comelec sa Region IV A at IV B para tiyakin ang mapayapa at maayos na pagdaaos ng halalan sa Lunes.
- Latest