Mayoralty candidate ng Silang nag-sorry sa mga solo parents
CAVITE, Philippines — Matapos maisyuhan ng show cause order ng Commission on Elections (Comelec) dahil sa umano’y masamang pagbibiro, pagmamaliit sa mga solo parents sa kanyang campaign rally, muling humingi ng paumanhin ang mayoralty candidate ng Silang, Cavite na si Atty. Kevin Aliston Anarna.
Sa kanyang FB post, sinabi ni Anarna na -- “Ako po si Mayor Kevin A. Anarna, at ako ay taos-pusong humihingi ng paumanhin sa aking naging pahayag kamakailan na maaaring nakasakit o nakaapekto sa damdamin ng ating mga solo parent, partikular na sa mga miyembro at tagasuporta ng Solo Parents Partylist.”
“Hindi ko intensyon na maliitin o saktan ang dignidad ng mga solo parent na araw-araw ay nagsusumikap at nagsasakripisyo para sa kanilang mga anak. Bilang isang lingkod-bayan, kinikilala ko ang mahalagang papel na ginagampanan ninyo sa ating lipunan - kayo ay huwaran ng katatagan, lakas ng loob, at walang kapantay na pagmamahal,” dagdag ni Anarna.
“Muli, ako po ay humihingi ng inyong pang-unawa at pagpapatawad. Asahan ninyo na ang insidenteng ito ay magiging gabay sa patuloy kong pag-unlad bilang isang mas mahinahon, bukas-isip, at responsableng lider,” pahayag pa nito.
Ayon pa kay Anarna, magsisilbi na umano itong paalala na sa bawat bibitiwang salita ng isang pinuno ay may bigat at responsibilidad.
Magugunita sa campaign rally, ipinayo ni Anarna sa kanyang speech na ipa-raffle ang mga solo parents, lalaki at babae, para sila ang mag-partner.
- Latest