Pagbabanta sa social media na nag-trending, nilinaw ni Ben ‘BITAG’ Tulfo

MANILA, Philippines — Dahil sa nag-trending sa social media na umano’y kanyang “pagbabanta”, binigyang-linaw kahapon ni independent senatorial aspirant Ben “BITAG” Tulfo na ang kaniyang adbokasiya ay hindi pagbabanta bagkus ay tagapagtanggol.
Sa isang press conference sa Zamboanga City, nagbigay ng babala ang tumatakbong senador sa mga mapang-abuso, manloloko, mapagsamantala at mga pabaya sa tungkulin na ipagdasal nilang huwag siyang lumusot sa Senado.
“Ipagdasal ninyo na ‘wag akong lumusot dahil kung hindi tapos na ang maliligayang araw ninyo!” pahayag ni Ben “BITAG” Tulfo.
Ang matapang na pahayag na ito ay sagot ni Ben “Bitag” Tulfo sa katanungan ng isang reporter sa kung ano ang kaniyang adbokasiya laban sa mga mapang-abuso at manlolokong scammers.
Agad naman itong nag-trending sa social media na ginamit ng mga vloggers kung saan lumabas na nagyayabang at nagbabanta umano ang senatorial aspirant.
“itong mga walang magawang mga vlogger, na ang gusto lamang ay content para kumita sila…hindi nila isinaalang-alang ang konteksto at mensahe. Sadyang pinutol at inedit ang nasabing live stream presscon at pinalabas na ako’y nagbabanta,” paliwanag nito.
Dagdag pa ni Ben “BITAG” Tulfo, ang buong konsteksto ng kaniyang mensahe ay babala para doon sa mga abusado, mapagsamantala, manloloko at pabaya. Hindi para sa mga taong walang mukha, walang boses at mahihina na hindi kayang ipagtanggol ang kanilang mga sarili.
Sinabi rin ng batikang mamamahayag na sakaling maupo siya sa Senado ay ipagpapatuloy niya ang kaniyang adbokasiyang nasimulan sa media bilang fearless investigative journalist sa loob ng 23-taon. Gagamitin niya umano ang kaniyang galing sa pag-iimbestiga at pagkalap ng mga ebidensya. “Kung loloobin ng Diyos, kung anong ginagawa ko sa BITAG, ‘yun din ang gagawin ko sa Senado. Hindi lang in aid of legislation o paggawa ng batas kundi in aid of prosecution.”
- Latest