1K estudyante sumailalim sa OJT sa Quezon
LUCENA CITY, Philippines — Bilang bahagi ng layunin ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon na maging reyalidad ng mga mag-aaral ang kanilang natutunan sa paaralan at maihanda sila sa tunay na mundo ng trabaho, matagumpay na isinagawa ng Quezon Provincial Public Employment Service Office (PESO) ang Work Immersion at On-the-Job Training (OJT) Programs mula Enero hanggang Marso ng kasalukuyang taon.
Sa pakikipagtulungan ng Office of the Provincial Human Resource Management Officer, iba’t ibang opisina ng pamahalaan, at mga partner schools sa lalawigan, kabuuang 1,004 na mag-aaral mula sa Grade 12 ang lumahok sa Work Immersion Program.
Pinakamarami rito ay mula sa Quezon National High School, 692 estudyante; kasunod ang Sacred Heart College, 150, at iba pang paaralan tulad ng Talipan National High School, 45; Cesar C. Tan Memorial High School, 42, at ilan pang paaralan sa probinsya.
Samantala, 69 na mag-aaral sa kolehiyo mula sa limang unibersidad at kolehiyo sa lalawigan ang naging bahagi naman ng OJT Program. Pinangunahan ito ng Southern Luzon State University, 40; kasunod ang Dalubhasaan ng Lungsod ng Lucena, 9, at iba pa gaya ng Manuel S. Enverga University Foundation, PUP-Unisan, STI, at BWEST College.
Bago ang deployment ng mga mag-aaral sa kani-kanilang mga tanggapan, isinagawa muna ang isang oryentasyon na pinangunahan ni Genecille Aguirre, PGADH/PESO manager.
Ipinaliwanag naman ni Florita Santamena, Focal Person ng Career Development Support Program ang mga mahahalagang kaalaman tulad ng tamang asal sa lugar ng trabaho at pagsunod sa mga alituntunin.
Ang programang ito ay patunay ng walang sawang pagtutok ni Governor Dra. Helen Tan sa edukasyon at kabataan sa lalawigan bilang paghubog sa kanila bilang mga responsableng mamamayan at propesyonal sa hinaharap.
- Latest