Higit P1.7 milyong shabu samsam sa 3 big-time drug dealer
CAVITE, Philippines — Aabot sa mahigit 1.7 milyong pisong halaga ng shabu ang nakumpiska sa dalawang araw na operasyon ng pulisya sa lungsod ng Bacoor at bayan ng Tanza, lalawigang ito.
Tatlong big-time drug dealer ang nalambat sa nasabing operasyon, alas-8:45 ng gabi nang ikasa ng mga operatiba ng Drug Enforcement Unit ng Bacoor Component City Police ang buy-bust operation laban sa suspek na si alyas “Kuya” ng Brgy. Zapote 1 Bacoor City .
Ayon kay PLt. Col. John Paolo Carracefo, hepe ng pulisya sa lungsod, isinailalim sa ilang araw na surveillance ang nasabing suspek bago ikinasa ang buy-bust operation.
Narekober sa suspek ang apat na malaking plastic sachet na naglalaman ng shabu na aabot sa timbang na mahigit sa 180 gramo at may halagang P1,224,000.
Kasabay nito, alas-10:15 ng gabi nang ilatag ng Drug Enforcement Team ng Tanza Police at PDEA ang buy-bust laban sa mga suspek na sina alyas “Cairoding”, 28, at “Ommar”, 18; kapwa High Value Individual ng pulisya at residente ng Brgy. Datu Esmael, lungsod ng Dasmariñas.
Sa Brgy. Bucal, Tanza isinagawa ang drug deal at nakuhanan ang mga suspek ng mahigit 80 gramo ng shabu na nakalagay sa 3-selyadong plastic sachet na aabot sa halagang P544,136.
- Latest