Barilan sa campaign sortie: 1 patay, 1 sugatan
MANILA, Philippines — Isa katao ang nasawi habang isa pa ang nasugatan nang mauwi sa barilan sa isang campaign sortie sa bayan ng Tayum, Abra nitong Lunes ng hapon sa papainit pang tunggalian sa pulitika kaugnay ng nalalapit na halalan sa Mayo ng taong ito.
Sa report ng Abra Police, kinilala ang nasawi na si Jay-ar Tanura, 27 taong gulang, residente ng Brgy. Gaddani ng bayang ito. Patuloy namang nilalapatan ng lunas ang sugatang si Jordan Barcena ng Brgy. Budac ng nasabi ring munisipalidad.
Bandang alas-3:40 ng hapon nang mangyari ang insidente sa Sitio Agdamay, Brgy. Budac habang si Tayum mayoralty candidate Kathlia Alcantara ay nagsasagawa ng campaign sortie o pangangampanya sa lugar.
Nang matanggap ang ulat sa pamamaril ay mabilis na nagresponde ang mga operatiba ng Tayum Police at Regional Mobile Force Battalion na naharang ang isang kulay itim na Ford Ranger (PXO 263) na minamaneho ng isang Jomel Molina, 21-anyos.
Nakumpiska mula sa behikulo ang isang hindi lisensiyadong .45 caliber pistol habang isa pang cal.45 pistol ang nadiskubre rin sa loob ng sasakyan na umano’y pagmamay-ari ng nasawing si Tanura.
Base sa inisyal na imbestigasyon, ang convoy ni Alcantara na kinabibilangan ni dating Bangued Mayor Ryan Luna ay nakabarilan umano ng convoy ni Brgy. Captain Walter Tugadi na sumusuporta naman sa kalabang kandidato ni Alcantara. Sina Tanura at Barcena ay mula umano sa grupo ni Tugadi.
Narekober sa lugar ang mga basyo ng bala ng cal.45 pistol at cal 5.56 mm firearms. Samantalang isang Toyota pickup truck (NFI-491) na nabutasan dahil sa tama ng bala ang nakita ng mga imbestigador sa compound ni Luna sa Brgy. Dangdangla, Bangued.
- Latest