P102 milyong shabu nasabat sa checkpoint sa Samar
MANILA, Philippines — Arestado ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang isang lalaki matapos mahulihan ng nasa 15-kilong shabu na nagkakahalaga ng P102-milyon sa Samar nitong Miyerkules.
Kinilala ni PNP-HPG Spokesperson, PLt. Nadame Malang, ang naaresto na si alyas “Toper,” 41 ng Brgy. Lote, Naga City, Cebu.
Ayon kay Malang, nagkasa sila ng anti-carnapping operation at checkpoint sa Maharlika Highway, Brgy. New Mahayag, Catbalogan City sa Samar. Pinara nila ang isang sasakyan dahil sa paglabag sa Republic Act 4136 o Land Transportation and Traffic Code.
Gayunman, sa pagsasagawa ng plainview inspection, napansin ng mga pulis ang kahina-hinalang mga supot hanggang sa tumambad sa kanila ang 15 kilong shabu mula rito.
Kasalukuyang iniimbentaryo na ng mga awtoridad ang nakuhang mga illegal na droga habang ikinakasa naman ang kaso laban sa suspek, partikular na ang paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Pinuri naman ni HPG Director PBrig. Gen. Eleazar Matta ang kanyang mga pulis sa dedikasyon sa trabaho.
Ani Matta mananatiling bantay ng publiko ang HPG sa mga lansangan.
- Latest