Parak sakay ng motor hulog sa kanal, patay
MANILA, Philippines — Patay ang isang intelligence officer ng pulisya makaraang aksidenteng mahulog sa kanal sa tabi ng highway ang minamaneho nitong motorsiklo sa Brgy. Napoles, Bago City, Negros Occidental, ayon sa ulat kahapon.
Kinilala ang nasawing biktima na si P/Staff Sgt. Hero John Trayco, 36-anyos, intelligence officer ng Bago City Police Station at naninirahan sa lungsod.
Sa ulat, ang biktima na wala nang buhay ay nadiskubre sa tabi ng isang malalim na kanal sa tabi ng highway sa nasabing lugar noong Lunes.
Lumilitaw sa imbestigasyon na si Trayco ay nagsagawa ng covert operation pasado hatinggabi noong Abril 13 kasama ang isa pang pulis ng mabigo siyang makauwi sa kanilang tahanan.
Pinaniniwalaan namang nawalan ng kontrol sa manibela ang biktima habang pauwi na ito sa kanilang bahay bunsod upang mahulog sa malalim na kanal ang motorsiklo ng biktima.
Naniniwala naman ang mga awtoridad na inatake ng alta presyon ang biktima na naging mitsa ng trahedya.
- Latest