Bebot, kasabwat huli sa P3.4 milyong droga
CABANATUAN CITY, Nueva Ecija, Philippines — Umaabot sa halagang P3.4-M halaga ng umano’y shabu ang nakumpiska ng pulisya sa isang babaeng drug suspek at kasabwat nitong lalaki sa isinagawang drug buy-bust operation ng pulisya sa Barangay Sta. Arcadia ng lungsod na ito, noong Miyerkules ng umaga.
Sa ulat ni PLt. Col. Renato Morales, hepe ng Cabanatuan City Police Station, kay P/Col. Ferdinand Germino, provincial director ng Nueva Ecija Police, nabatid na aabot sa 500 gramo ng hinihinalang shabu ang nakuha ng mga operatiba ng station drug enforcement unit (SDEU) ng Cabanatuan City Police sa 47-anyos na babaeng suspek na residente umano ng Sto. Domingo, NE; at sa kasabwat na 42-anyos na lalaki mula sa lungsod na ito.
Ayon sa ulat, alas-11:20 ng umaga nang isagawa ang buy-bust operation sa Purok 2 ng nasabing barangay, kung saan 7-plastic sachet umano ng shabu ang nakuha sa babaeng suspek, habang isang knot-tied plastic bag na naglalaman umano ng 100 gramo ng nasabing shabu ang nakuha naman sa kasabwat na lalaki.
- Latest