3 kilong marijuana sa parcel, samsam sa bodega

COTABATO CITY, Philippines — Sa tulong ng K-9 dog, nakumpiska ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-12 nitong Miyerkules ang anim na marijuana bricks na aabot sa tatlong kilo ang timbang na nasilid sa isang package sa loob ng warehouse ng isang forwarding company sa Barangay Glaman, Polomolok, South Cotabato.
Iniulat nitong Huwebes ni Benjamin Recites III, director ng PDEA-12, na ang naturang parcel, may lamang tuyong marijuana na nagkakahalaga ng P360,000, ay mula sa Quiapo, Manila at nakatakda sanang ideliver sa isang residente ng General Santos City.
Ayon kay Recites, na-detect ang presensya ng naturang parcel sa bodega ng forwarding company gamit ang isa sa kanilang narcotics detection dog sa isang operasyong ikinasa matapos makatanggap ng tip ang PDEA-12 hinggil sa nakatakda na sanang pag-deliver ng package sa isang consignee sa hindi kalayuang General Santos City na hinahanap na ng kanilang agents at mga pulis na sakop ng mga units ng Police Regional Office-12.
Ayon kay Recites, naisagawa ang naturang matagumpay na interdiction operation sa tulong ng iba’t ibang mga units na pinamumunuan ni Police Brig. Gen. Arnold Ardiente, regional director ng PRO-12 at ng Philippine Coast Guard Intelligence Group Southern Mindanao.
- Latest