Bangkay ng 2 piloto nakuha na sa crash site

MANILA, Philippines — Nakuha na sa crash site ang bangkay ng dalawang piloto ng FA-50 fighter jet ng Philippine Air Force (PAF) na aksidenteng bumagsak sa kakahuyan sa Mount Kalatungan sa hangganan ng Pangantucan at Talakas, Bukidnon nitong Huwebes ng madaling araw.
Ito ang kinumpirma ni Lt. Col. Francisco Garello, spokesperson ng 4th Infantry Division (ID) ng Philippine Army.
Sinabi ni Garello na ang bangkay ng dalawang piloto na sina Major Jude Salang-oy at 1st Lt. April John Dadulla ay matagumpay na nakuha ng ground troops sa crash site dakong ala-1 ng madaling araw.
Sinabi ni Garello na ang labi ng dalawang piloto ay dinala na sa Pangantucan, Bukidnon bago ang mga ito ibiniyane sakay ng military truck patungong Cagayan de Oro City.
Magugunita na ang FA-50 jet fighters na may tail number 002 ay napaulat na nawawala bago maghatinggabi noong Marso 4 matapos magsagawa ng tactical night operation sa hurisdiksiyon ng AFP-Eastern Mindanao Command. Ang nasabing aircraft ay nanggaling sa Benito Ebuen Air Base sa Mactan, Cebu at pabalik na sa nasabing himpilan ng mawalan ng komunikasyon
sa nasabing aircraft.
Samantala, bunga ng insidente ay grounded o pansamantalang hinto muna ang operasyon ng lahat ng 11 na nalalabing FA-50 fighter jets habang isinasagawa ang imbestigasyon sa insidente.
- Latest