3 babae ni-rape ng solong kawatan!
Pinasok sa boarding house, iginapos…
LUCENA CITY, Philippines — Ikinasa ang hot pursuit operation ng mga operatiba ng Lucena Police upang madakip ang nag-iisang magnanakaw na umatake sa isang unit ng paupahang gusali at tumangay ng mahigit P100,000 halaga ng pera, alahas at mga gadgets saka ginawan ng kahalayan ang tatlong babaeng boarder kamakalawa ng umaga sa Barangay 9 sa lungsod na ito.
Ayon kay PLt. Col. Dennis De Guzman, chief of police dito, naganap ang insidente bandang alas-7:00 ng umaga.
Habang nasa loob ng kanilang nirerentahang isang unit sa 3rd floor ng Maximus building sina alyas Maj, 22, dalaga, graphic artist; alyas “Ally”, 18, dalaga, college student at alyas “Cess”, 23, admin clerk ay bigla na lamang pumasok ang isang hindi nakikilalang lalaki na nakasuot ng itim na jacket at maong na short at naka-face mask.
Tinutukan umano ng patalim ng suspek ang tatlong babae saka kinuha ang kanilang mga cellphones, laptop, alahas at pera na sa kabuuan ay aabot sa halagang P118, 900.
Hindi pa nasiyahan, tinalian ng suspek ang mga kamay at paa ng mga biktima gamit ang mga sintas ng sapatos.
Nang makakita ng pagkakataon ay nagtangkang manlaban sina alyas Maj at Cess na ikinagalit ng suspek kaya pinagdadakma at pinaghihipuan sa maseselang bahagi ng katawan ang tatlo.
Ayon pa sa ulat, tuluyang ginahasa ng suspek si alyas Maj bago tumakas tangay ang mga kinulimbat na pera at kagamitan mula sa mga biktima.
- Latest