P/Colonel na nasawi sa salpukan ng eroplano at chopper sa US, inilibing na
Laguna, Philippines — Inihatid na sa kanyang huling hantungan si Police Colonel Pergentino Malabed Jr., ang Pilipinong pulis na nasawi sa malagim na salpukan ng eroplano at helicopter sa ere sa Washington D.C. sa Estados Unidos.
Ang kanyang abo ay inilibing sa Manila Memorial Park sa Sta. Rosa City, Laguna, nitong Huwebes, matapos ang kanyang cremation noong Miyerkules.
Dinaluhan ng mga matataas na opisyal ng Philippine National Police (), pamilya, at malalapit na kaibigan ni Malabed ang “solemne” at madamdaming seremonya.
Nagbigay ng kanilang huling pagpupugay ang liderato ng PNP at mga tauhan ng PRO Calabarzon, bilang paggalang sa buhay, sakripisyo at serbisyong inialay ni Colonel Malabed.
Ayon sa mga opisyal ng PRO 4A, mananatili sa alaala ng lahat ang dedikasyon at paglilingkod ni Malabed na isang tunay na lider, tagapagtaguyod ng kapayapaan at tapat na lingkod-bayan.
Ipinanganak sa Ilocos Sur at isang ipinagmamalaking miyembro ng Philippine National Police Academy (PNPA) “Kabalikat” Class of 1998, isinabuhay ni Colonel Malabed ang katapangan at tibay ng loob ng mga Ilokano.
Si Colonel Malabed na nagsilbing hepe ng PNP Supply Management Division, ay kabilang sa 67 kataong nasawi sa mid-air collision sa pagitan ng isang pampasaherong eroplano at isang Black Hawk helicopter sa ibabaw ng Potomac River sa Washington D.C. noong Enero 29, 2025.
- Latest