Company bus manager, misis todas sa ambush!

COTABATO CITY, Philippines — Patay ang isang company bus manager at kanyang maybahay matapos silang tambangan at pagbabarilin habang sakay ng SUV sa Kabacan, Cotabato nitong Lunes ng hapon.
Sa inisyal na report na tinanggap ni Col. Gilbert Tuzon, director Cotabato Provincial Police Office, kinilala ang mga nasawing biktima na sina Armando Yap Lu, 79-anyos, at kanyang misis na si Marilyn, 62-anyos.
Sinabi ni Tuzon sa mga mamamahayag kahapon na kapwa idineklarang dead-on-arrival sa pagamutan ang mag-asawang Yap dahil sa mga tama ng bala sa katawan matapos silang isugod ng maga emergency responders.
Si Lu ay nagsisilbing manager ng malaking bus company sa Central Mindanao na may mga bus units na bumibiyahe sa rutang Cotabato-Davao at Davao- Cotabato.
Sa paunang imbestigasyon ng Kabacan Police, ang nasabing company bus manager at kanyang asawa ay lulan ng grey Toyota Fortuner, at pauwi na sa kanilang tahanan sa Carmen, Cotabato mula sa Kabacan town, nang sila ay pagbabarilin ng mga armadong grupo na nakaabang sa gilid ng highway pagsapit nila sa Barangay Kayaga, Kabacan.
Dahil sa pagpapaulan sa kanila ng bala, natadtad na bala ang mister at nawalan siya ng control sa manibela hanggang sa umiba ng direksyon ang SUV at biglang bumaliktad saka sumadsad sa gilid ng kalsada. Tinamaan din ng bala ang misis na nasawi rin sa pag-atake.
Agad kinondena ni Cotabato Gov. Emmylou Taliño-Mendoza ang ginawang pamamaslang sa mag-asawang Lu na residente ng Barangay Ugalingan, Carmen ng nasabing lalawigan.
- Latest