Sanggol, lapnos ang balat nang mabuhusan ng mainit na tubig ng yaya
MANILA, Philippines — Isang sanggol ang nagtamo ng first at second degree-burn matapos umanong mabuhusan ng mainit na tubig ng kaniyang yaya habang pinapaliguan sa Bulacan.
Sa ulat kahapon, sinabing nangyari ang insidente noong umaga ng February 1 pero hapon na nang malaman ito ng ina.
Sobrang pulang-pula at magang-maga umano ang buong likod ng sanggol hanggang sa binti. Dinala sa ospital ang bata para magamot.
Sa CCTV footage ay makikita na pinaliguan ng yaya ang sanggol dakong alas-9:39 ng umaga sa banyo.
Pero ilang saglit lang, madidinig ang malakas na iyak ng sanggol. Ilang minuto pa ang lumipas bago lumabas ng banyo ang yaya at ang sanggol.
Kahit nasa sala na ang yaya at sanggol, patuloy pa rin sa pag-iyak ang bata.
Pero nalaman lang ng ginang ang nangyari sa anak dakong alas-3:00 nang umamin na ang yaya matapos na magsabi muna ng iba’t ibang dahilan.
Umalis umano ang yaya matapos ang insidente. Walong buwan pa lang daw sa pamilya ang naturang yaya na nakuha nila sa isang agency.
- Latest