2 patay, 1 sugatan sa pamamaril sa Zamboanga
MANILA, Philippines — Dalawa ang patay habang isa ang nasa malubhang kalagayan matapos na pagbabarilin ng mga kalalakihan na sakay ng dalawang SUV kahapon ng madaling araw sa Tetuan, Zamboanga City.
Kinilala ang mga nasawi na si Troy Resurreccion, 24, at Jovert Marcos, 40 habang ginagamot naman sa ospital si Anthony James Resurreccion, 21, pawang mga residente ng Barangay Talon-Talon, Zamboanga City.
Batay sa ulat, bandang alas-2:30 ng madaling araw kahapon ng mangyari ang pamamaril sa tatlo sa Faltacan St,Tetuan.
Ilang residente ang nakarinig ng putok ng agad namang nirespondehan ng mga tauhan ng Zamboanga City Police Station 6 (ZCPS6) sa pangunguna ni PCPT Jess Rick T. Mendoza, Officer-in-Charge at dinatnan ang mga wala ng buhay na sina Resurreccion at Marcos sa tabi ng itim na Honda Beat motorcycle na may plate number 985JQN.
Lumilitaw na bago ang pamamaril, nag-iinuman ang mga biktima sa La Kwatro, Yubenco Putik kung saan nagkaroon ng pakikipagtalo ang mga biktima sa grupo ng mga kalalakihan.
Minabuti ng mga biktima na umuwi na lamang subalit sinundan ito ng dalawang Toyota Fortuner.Ang habulan ay nakuhanan sa CCTV ng lugar.
Pagdating sa Falcatan Street, hinarang ng dalawang SUV ang mga biktima at pinagbabaril ang mga ito nang malapitan.
Nang makitang bumulagta ang mga biktima, agad na tumakas ang mga suspek patungo sa Alfaro Street, Tetuan. Nakuha naman sa crime scene ang isang .45 caliber pistol na may bala at tatlong basyo.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya at pagrerebisa sa CCTV upang malaman ang tunay na dahilan ng insidente.
Inaalam na rin ang pagkakakilanlan ng mga suspek.
- Latest