10 sasakyan inararo ng pick-up truck: Trader dedo

CABANATUAN CITY, Nueva Ecija, Philippines — Isang negosyante ang patay matapos na araruin ng isang pickup truck ang may 10 sasakyan saka tinakbuhan ng driver sa kahabaan ng Maharlika Highway, Brgy. Sumacab Este ng lungsod na ito, noong Biyernes ng gabi.
Matapos ang ilang minutong habulan, naaresto ng pulisya ang lalaking driver ng puting pick-up truck makaraang makorner ng isang tumugis na negosyante na lulan ng pulang pick-up truck at mga kagawad ng pulisya sa ilalim ng isang overpass sa nasabing lugar.
Kinilala ng pulisya ang nahuling suspek na si Harold Porsuelo Cuartero, 45-anyos, may-asawa ng Barangay Castellano, San Leonardo, Nueva Ecija, habang ang nasawing biktima ay nakilalang si Simplicio Tambongco Jr., 52-anyos, isang negosyante ng Barangay Kapitan Pepe ng lungsod na ito.
Laking pasalamat ng pulisya kay Association of Barangay Captains (ABC) Pres. Christopher Lee, kapitan ng Barangay Pagas, dito, na tumugis hanggang sa maaresto ang suspek sakay ng kulay pulang pick-up truck.
Ayon sa pulisya, mag-aalas-6 ng gabi nang suyurin ng pickup truck ng suspek ang mga sasakyan saka tumakas. Nasaksihan naman ito ng mga kapwa motorista kabilang na si Kapitan Lee, kung kaya nagkaroon ng mahabang habulan ng dalawang pick-up trucks sa kahabaan ng national highway, mula sa Brgy. General Luna hanggang sa Brgy. Sumacab Este na kanyang ikinaresto.
Napuruhan umano ng Nissan Navarra pick-up ng suspek na si Cuartero ang serbis na tricycle ng namatay si Tambongco, may-ari umano ng isang botika sa Imelda District, dito, makaraang tumaob ito.
- Latest