Taiwanese trader na dumalo sa pagtitipon sa Tagaytay, missing
CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Nagsasagawa ng malalimang imbestigasyon ang pulisya hinggil sa pagkawala ng isang negosyanteng Taiwanese mula noong Oktubre 10 makaraang dumalo sa isang pagtitipon sa Tagaytay City, Cavite.
Ayon sa imbestigador, isang 49-anyos na babaeng empleyado na nagpakilala bilang kinatawan, ay nagsadya sa mga awtoridad upang iulat na ang kanyang amo na si Kuo-Wen Hung, Taiwanese national, 47, isang negosyante at residente ng Barangay Merville, ng Parañaque City ay nabigong makauwi sa kanilang tahanan at patuloy na nawawala.
Huling nakita si Hung sakay ng kanyang pulang Volkswagen (NFK-9019) para dumalo sa Taiwanese Independence Day noong Oktubre 10 bandang alas-11:00 ng umaga.
Sinabi ng babae sa mga imbestigador na simula nang umalis ang amo sa kanyang bahay patungo sa Tagaytay proper ay hindi na makontak sa kanyang cellphone ng kanyang asawa na nasa Taiwan.
Idinagdag niya na bago nawala ang kanyang among si Hung, nag-post pa ang huli ng isang video footage at larawan na may background view at overlooking ng Taal volcano bago ito ipinadala sa pamamagitan ng Facebook messenger sa kanyang asawa sa ibang bansa.
Isang Taiwan police attaché, isang babaeng kinatawan at personal secretary ng umano’y Taiwanese trader kasama ang apat na Taiwanese na kababayan ay nag-ulat na humingi ng tulong sa Anti-Kidnapping Group Office sa Camp Crame sa Quezon City noong Oktubre 13, bandang alas-3:45 ng hapon.
Dahil dito, nagpadala ang AKG ng isang team investigator upang magsagawa ng imbestigasyon at humiling ng kopya ng CCTV video footage sa Sun Valley Police Sub-station at sa Barangay Hall, gayunpaman, sinabi ng operatiba ng AKG na ang sasakyan ng biktima ay hindi nakita sa mga nakuhang CCTV footage sa lugar noong Oktubre 13.
Sa kabila nito, patuloy na nagsasagawa ng CCTV review at backtracking ang tracker team para sa posibleng kinaroroonan ng sasakyan ng Taiwanese national.
Nabatid na ang kaso ng nawawalang Taiwanese ay inilagay na umano sa Regional Committee on Missing and Found Person sa ilalim ng PNP memorandum circular 2022-082 dahil walang patunay na kinidnap ang nawawalang negosyante at wala ring tumatawag na humihingi ng ransom demand.
Sinabi ng mapagkakatiwalaang source na humihingi umano ng tulong ang Taiwanese Embassy sa Phl government at Philippine National Police para hanapin ang nawawalang Taiwanese national.
- Latest