COTABATO CITY, Philippines — Naaresto ng magkasanib na mga pulis at mga sundalo ang 47 na bandidong kasapi ng dalawang grupong magkalaban at nasamsaman ng 61 combat weapons sa isang joint law-enforcement operation sa Mamasapano, Maguindanao del Sur nitong umaga ng Biyernes.
Magkahiwalay na kinumpirma nitong Sabado nina Army Major Gen. Antonio Nafarrete, commander ng 6th Infantry Division, at Bangsamoro Police director Brig. Gen. Romeo Macapaz ang pagkakaaresto ng mga armadong kalalakihan na ilang beses nagbarilan nitong nakalipas na mga buwan sa Tukanalipao at Pimbalakan sa Mamasapano na nagpahirap sa hindi bababa sa 3,000 na inosenteng residente.
Ayon sa mga opisyal ng 601st Infantry Brigade, ang naka-detine na 47 na bandido ay mga tauhan ng dalawang Moro commanders na sina Badrudin Inda at Zainudin Kiaro, na matagal ng may alitan sa mga teritoryo, pulitika at pag-control ng mga komunidad sa naturang dalawang barangay at parehong hindi pumayag na ma-areglo sila ng kanilang local government unit at ng mga opisyal ng 6th ID at ng Maguindanao del Sur Provincial Police Office.
Ayon kay Nafarrete, nasa kustodiya na nila ang 61 na armas pandigma na nakumpiska sa mga armadong grupo sa Mamasapano na kinabibilangan ng M16 at M14 assault rifles, M60 machinegun, mga Barrett bolt-action .50 caliber sniper rifles, mga B-40 rocket at M79 grenade launchers at libu-libong bala ng samu’t saring kalibre ng baril.