1 kilong shabu samsam sa CAFGU member

Nasa kustodiya na ng Police Regional Office 9 ang isang kilong shabu na nasamsam sa isang kasapi ng Citizens Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) na nalambat sa Zamboanga City nitong gabi ng Linggo.
John Unson

COTABATO CITY, Philippines — Arestado ang isang miyembro ng Citizens Armed Forces Geographical Unit 9 ­(CAFGU) na nabilhan ng isang kilong shabu ng mga pulis sa isang entrapment operation sa Barangay Zone II sa Zamboanga City nitong gabi ng Linggo.

Kinumpirma nitong lunes ni Brig. Gen. Bowenn Joey ­Masauding, director ng Police Regional Office 9, na nasa kustodiya na nila ang miyembro ng CAFGU na si Jalai Abirin Sabdadi, nakum­piskahan ng P6.8 mil­yong halaga ng shabu sa isang entrapment operation sa P. Reyes Street sa Barangay Zone II sa Zamboanga City.

Si Sabdadi ay residente ng Barangay Buton sa Tuburan sa hindi kalayuang probinsya ng Basilan, kung saan siya ay nagseserbisyo bilang kasapi ng CAFGU.

Ayon kay Masauding, kanilang kaka­suhan si Sabdadi ng paglabag sa Comprehensive Dange­rous Drugs Act of 2002.

Hihilingin din ng PRO-9 sa Western Mindanao Command na naka-base sa Calarian, Zamboanga City na tanggalin na si Sabdadi sa pagka-CAFGU dahil sa kanyang nagawang labag sa batas, ayon kay Masauding.

Show comments