PNP: Barilan sa filing ng COC sa Shariff Aguak, ‘isolated case’

MANILA, Philippines — Itinuturing ng Philippine National Police (PNP) na “isolated case” lamang ang nangyaring karahasan sa huling araw ng paghahain ng certificate of candidacy (COC) ng isang kakandidato sa pagka-vice mayor na umano’y “wanted” na ikinasawi ng isa at lima ang sugatan sa Shariff Aguak, Maguindanao del Sur nitong Lunes.
Sa huling araw ng filing ng Certificates of Candidacy (COC) para sa 2025 elections, nagkaroon ng insidente ng pamamaril kung saan nasawi ang isa sa mga biktima nitong Martes ng gabi sa ospital sa “indiscriminate firing” at hagisan ng mga bato sa munisipyo ng bayan sa Brgy. Poblacion.
Nag-ugat ang gulo sa away sa pagitan ng dalawang grupo sa tanggapan ng Comelec sa lugar na nagresulta sa 15 minutong palitan ng putok sa mga awtoridad matapos itong rumesponde.
Sinabi naman ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na inutos na niya kay PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil ang masusing imbestigasyon sa insidente.
Ayon naman kay PNP Public Information Office chief, PBrig. Gen. Jean Fajardo, bagama’t itinuturing nilang isolated ang insidente, kanila pa rin itong isasailalim sa validation at aalamin kung paano ito makakaapekto sa halalan.
Unang sinabi ni Comelec Chairperson George Erwin Garcia na hindi ito nakaapekto sa huling araw ng filing ng COC dahil agad silang nakapaglatag ng satellite office na hindi kalayuan sa pinangyarihan ng karahasan sa Sharif Aguak.
Sa kabila nito, sinabi ng PNP na pangkalahatang mapayapa ang walong araw na paghahain ng COC para sa Halalan 2025.
- Latest