Tumulong magpasuko ng 10 Abu Sayyaf, itinumba

COTABATO CITY, Philippines — Isang residente ng bayan sa Basilan na nakatulong sa pagpapasuko ng mahigit 10 kamag-anak at mga kaibigang miyembro ng Abu Sayyaf terrorist group ang pinatay ng mga armadong motorista sa Lamitan City sa naturang probinsya nitong umaga ng Huwebes.

Sa mga hiwalay na ulat nitong Biyernes ng Lamitan City Police Station at ng Basilan Provincial Police Office, nakaupo si Suadi Wakil Jahwan sa front seat ng isang van na nakaparada sa Oval Public Market sa Barangay Matibay sa Lamitan City nang lapitan ng mga lalaking armado ng .45 caliber pistol at pinaputukan ng ilang beses na nagsanhi ng kanyang agarang kamatayan.

May teorya ang mga kamag-anak at mga kaibigan ni Jahwan, residente ng Barangay Tumahubong sa hindi kala­yuang bayan ng Sumisip sa Basilan, na may kina­laman ang pagpatay sa kanya sa kanyang pagtulong sa pulisya, militar at mga local officials sa pagpapasuko ng mahigit 10 Abu Sayaff terrorists na ilan sa kanila ay kanyang mga kamag-anak, nitong nakalipas na tatlong taon.

Mabilis na nakatakas ang mga pumatay kay Jahwan gamit ang mga motorsiklo, ayon sa pulisya at mga barangay officials.

Show comments