60-anyos PWD pinasok, pinagpapalo ng tubo, tigok
SAN MIGUEL, Bulacan, Philippines — Patay ang isang 60-anyos na person with disability (PWD) matapos pagpapaluin ng tubo sa ulo ng kapitbahay na suspek sa Brgy. Labne ng nasabing bayan kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang kalunus-lunos na biktimang si Eduardo Bonina, residente ng Brgy. Labne habang ang kapitbahay na suspek ay kinilalang si Marvin Cuevas, 33 ng nasabi ring barangay.
Sa report ng San Miguel Police kay Bulacan Police director PCol. Rely Arnedo, nangyari ang karumal-dumal na krimen bandang alas-9:30 ng gabi sa naturang lugar.
Sa inisyal na imbestigasyon, habang nasa loob ng bahay ang biktima ay pinasok ng kapitbahay na suspek at walang kaabug-abog na pinaghahampas sa ulo gamit ang isang tubo.
Sinasabing binalikan pa ng suspek ang biktima at muling pinaghahampas sa ulo para tiyaking patay na hanggang sa tumakas.
Tinutugis na ng pulisya ang suspek na nahaharap sa kasong murder.
- Latest