LOPEZ, Quezon, Philippines — Kalunus-lunos ang sinapit ng anim katao kabilang ang tatlong menor-de-edad matapos silang masunog nang buhay nang salpukin ng truck ang kanilang sinasakyang top-down tricycle na bumangga naman sa isa pang bus sanhi ng sunog sa Maharlika Highway, Barangay Canda Ilaya ng bayang ito, kahapon ng madaling araw.
Dead-on-the-spot ang mga biktima na kinilalang sina Cheska Brin Jucares, 28, may-asawa, ng Sta. Cruz Antipolo City, Rizal; mga batang sina alyas Jasper at alyas Jarid; Riza Brin, 25, ng Brgy. Dela Paz Antipolo Rizal habang sa ospital naman nalagutan ng hininga sina Jaymar Orolfo Lunas, at isang alyas Julia.
Dalawa pang pasahero ng top-down tricycle o “tuktuk” ang patuloy na nilalapatan ng lunas sa Lopez District Hospital dahil sa mga tinamong sugat at pagkasunog ng iba’t ibang ng parte ng katawan na sina Leopoldo Revilla Brin, 57, at minor na si alyas Janella.
Ayon kay PLt. Col. Dandy Aguilar, chief of police ng bayang ito, dakong alas-2:10 ng madaling araw ay sakay ang mga biktima sa isang tricycle (Bajaj) na tuktuk na minamaneho ni Julius Brin at binabagtas ang kahabaan ng Maharlika Highway patungo sa direksyon ng Bicol Region nang banggain sila sa likuran ng sumusunod na Fuso truck na minamaneho ni Ernesto Alberto, 51, ng Hagonoy, Bulacan.
Dahil sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon ng ilang metro ang tuktuk at tumama sa paparating na Yutong Bus na minamaneho ni Amor Pedragoza ng Antipolo City at kalaunan ay nagliyab at nasunog na dagliang ikinamatay ng apat na biktima.
Mabilis namang naisugod sa ospital ang iba pang mga biktima na kinalaunan ay ikinamatay ng dalawa pa sa kanila.
Bahagya namang nasunog ang bus at masuwerteng nakalabas at nakaligtas ang mga sakay nito.
Sinabi ni Aguilar, ang mga biktimang sakay ng tuktuk ay makikipamiyesta sana sa Albay nang mangyari ang hindi inaasahang trahedya sa highway.
Nakapiit na sa municipal jail ang tsuper ng trak at nahaharap sa patung-patong na kaso.