Trader, isa pa inaresto sa pagdadala ng baril at granada sa loob ng barangay hall

Arrested stock photo.
Philstar.com / Jovannie Lambayan

SAN ANTONIO, Nueva Ecija, Philippines — Arestado ang dalawang armadong lalaki na gumagawa ng gulo sa loob ng barangay hall ng Barangay Papaya at nakuha sa kanilang pag-iingat ang dalawang hindi lisensyadong pistola, dalawang granada, at dalawang camping knives,kamakalawa ng gabi.

Tinukoy ang dalawang suspek na isang 45-anyos na negosyante ng Barangay San Josef, Laur, Nueva Ecija, at isang 32-anyos, na binata ng Barangay San Francisco ng bayang ito.

Sinabi ni Major Rommel C. Nabong, hepe ng pulisya rito, na ang kanyang mga tauhan sa pangu­nguna ni deputy police head Major Randy Bagan ay nirespondehan ang distress call mula sa concerned citizen na nagrereklamo sa dalawang lalaki na may nakasukbit na baril sa bewang, ang pumasok sa barangay hall ng Bgy. Papaya, alas-9:25 ng gabi.

Sa pagtatanong, ang dalawang suspek ay hindi umano nakapagpakita ng anumang kaukulang legal na dokumento ukol sa nakumpiska na isang cal.45 Colt MK IV Series 80 na may magazine na kargado ng limang bala; isang chocolate brown sling bag na naglalaman ng isang magazine para sa kalibre .45 na may kargang limang bala; dalawang hand grenades; isang Cal. 45 Medallion na may magazine at kargado ng pitong bala; isa pang brown sling bag na naglalaman ng isang magazine para sa kalibre .45 na puno ng siyam na bala; at dalawang camping knife.

Ang dalawang suspek ay sinampahan ng mga kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act; Republic Act 9516 o Illegal possession of Explosives at Batas Pambansa Bilang 6 o Illegal Possession of Bladed, Pointed or Blunt Weapons sa provincial prosecutor’s office.

Show comments