Handog sa Valentine’s Day
GENERAL LUNA, Quezon, Philippines — May espesyal na handog si General Luna, Quezon Mayor Matt Erwin Florido para sa mga empleyado ng kanilang lokal na pamahalaan kaugnay ng pagdiriwang ng Araw ng mga Puso.
Ito ang ibinalita ni Mayor Florido sa kanyang official Facebook page matapos pirmahan ang Executive Order No. 09 Series of 2024 nitong Huwebes, Pebrero 8, 2024.
Ayon sa Punong Bayan, ramdam niya ang pinagdadaanan ng mga single employees lalo na at papalapit na ang Valentine’s Day kaya muli niyang inihahandog ang espesyal na pribilehiyo upang makapag-enjoy.
Base sa naturang kautusan, ang mga single employee ay maaaring mag-avail ng dalawang araw “special stress leave” with pay o dalawang araw na “double pay” para sa Pebrero 15-16, 2024. Nilinaw naman ng opisyal na katulad ng mga nakaraang taon ay hindi gagamit ng pondo ng gobyerno para sa naturang insentibo ng mga single employee, ang pondong gagamitin ay magmumula sa sariling bulsa o kanyang personal na pera.