Pagmamahalan, pagbibigayan sa pagtatapos ng 2023 muling ipinakita
MANILA, Philippines — Muling ipinakita at pinatunayan ng negosyanteng si Virginia Rodriguez na ang pagbibigay ay hindi nangangailangan ng tamang panahon, oras o lugar.
Ayon kay Rodriguez, nagsusulong ng organic farming, sa bawat sandali ng ating buhay, ang pagtulong ay dapat laging mamalagi sa ating puso at isipan.
“Ito ang aking laging panuntunan sa buhay ang tumulong sa mga less fortunate nating mga kababayan,” wika niya.
Nitong nakalipas na Disyembre 28 at 29 o pagtatapos ng taong 2023, ginugol pa rin ni Rodriguez ang mga importante oras sa pagtulong sa mga kababayan sa Mindanao. Namahagi siya ng mga food packs sa libu-libong pamilya at namigay ng pinansiyal na tulong sa mga matatanda at may kapansanan sa Barangay Badas, lungsod ng Mati, Davao Oriental.
Lubos naman ang saya na nadama ng mga residenteng natulungan ni Rodriguez sa nasabing probinsiya.
“Patuloy lang lumaban sa kahirapan at maging instrumento ng katatagan sa buhay dahil marami pa ring tulad namin na handang tumulong,” pahayag pa ni Rodriguez.
Bago mag-Pasko ay namahagi at nag-share rin ng blessing si Rodriguez sa mga residente ng Tondo. Sa mga darating pang mga buwan at taon ay mas marami pang mga magandang plano si Rodriguez upang higit na matulungan ang mga hikahos sa buhay lalo na yung mga nasa sektor ng Agrikultura.
Adbokasiya ni Rodriguez ang pagpapalaganap at pagsusulong ng organic farming, at hangaring makatulong sa libu-libong magsasaka at mapababa ang presyo ng bilihin sa bansa.
- Latest