BAGUIO CITY, Philippines — Ibinasura ng Regional Trial Court Branch 2 sa Bangued, Abra ang kasong rebelyon na isinampa laban sa pitong leftist-activists na tinukoy ng militar na mga rebeldeng komunista.
Sa inilabas na desisyon ni RTC Judge Corpuz Cristi Alzate nitong Mayo 11, 2023, pinaboran ng hukom ang mosyon ng mga leftist-activists na ideklara ang rebellion charges na “void” dahil sa “lack of probable cause”.
Iniutos din ni Alzate na mapawalang-bisa ang lahat ng warrant of arrests laban sa pitong militante.
Ayon kay Indigenous Peoples group Cordillera Peoples Alliance chairperson Windel Bolinget, ang pagtanggap ng korte sa kanilang motion, isang tagumpay para sa mga mamamayan na nagsusulong ng kapayapaan, hustisya at kalayaan.
Si Bolinget, kasama sina Jennifer Awingan, Sarah Abellon, Stephen Tauli, Lucia Lourdes Jimenez, Nino Joseph Oconer, at Florence Kang ay kinasuhan ng “rebellion” o “insurrection” noong Disyembre 2022 matapos silang ma-link o maiugnay sa mga armadong kalalakihan na nang-ambush ng apat na sundalo ng Philippine Army noong Oktubre 27, 2022 sa Sitio Kutop, Barangay Gacab, Malibcong, Abra.
Si Awingan naman ay inaresto sa kanyang tahanan sa Barangay Pinsao, Baguio City noong Enero 20, 2023, at dinala sa Abra Provincial Jail. Gayunman, nakalaya siya, makalipas ang dalawang linggo makaraang maghain ng P90,000 na piyansa.
Noong Pebrero 20, 2023, ang iba pang nabanggit na kasamahan ni Awingan ay nagpiyansa rin.
Nagpasalamat si Bolinget sa kanilang mga abogado at sa komunidad, kaalyado, partners at mga kabigan na tumulong sa kanila ipang maipanalo ang kanilang kaso at maging ang korte sa pagkonsidera sa kanilang mosyon.