CANDELARIA, Quezon, Philippines — Hindi na umabot pang buhay sa ospital ang dalawang rider habang isa pa ang nasugatan makaraang magbanggaan ang kanilang mga minamanehong motorsiklo sa kahabaan ng Maharlika Highway na sakop ng Brgy. Masin Sur sa bayang ito, kahapon ng madaling araw.
Ang mga biktima na kapwa nagtamo ng grabeng pinsala sa ulo at iba’t ibang parte ng kanilang katawan ay kinilalang sina Boyet Paderon, nasa tamang edad, residente ng Brgy. Bignay 1, Sariaya, Quezon, at Ardy Advincula, 49, technician, ng Payatas, Quezon City.
Patuloy namang ginagamot sa Peter Paul Hospital dahil sa mga sugat sa katawan ang backrider na si Manuel Paderon, pinsan ng nasawing si Boyet.
Ayon kay PStaff Sgt. Manolito Vitariano, officer-on-case, alas-3:00 ng madaling araw habang minamaneho ni Paderon ang isang Rusi motorcycle patungo sa kabayanan nang banggain ng kasalubong na Manila bound Kawasaki Rouser na minamaneho ni Advincula.
Dahil sa lakas ng banggaan, kapwa tumilapon ang mga biktima sa daan na ikinasawi ng dalawang rider.