MANILA, Philippines — Matapos ang pagtama ng Super Typhoon Karding, nagsagawa ng relief operations ang Rotary Club of Manila bilang tulong sa mga nasalanta ng bagyo noong Setyembre 26 sa San Miguel, Bulacan.
Ang pamimigay ng ayuda ay isinagawa ng RC Manila sa pamumuno ni Phenomenal Leader President Herminio “Hermie” Esguera.
Sinabi ni President Esguerra na agad niyang pinakilos ang kanilang Disaster Relief Committee kung saan sina Rotarian Michael Jaey Albaña ang chairman at Rtn. John Pallasigue ang co-chairman. Nasa 100 grocery packs ang kanilang inihanda.
Tumulong din si Club Vice President Reginald Yu na mag-assemble ng 100 sets ng emergency shelter kits bilang suporta sa mahigit 100 pamilya na naapektuhan ng bagyo.
Noong Oktubre 4, sa tulong ng mga kagawad ng Philippine Coast Guard na pinamunuan nina Sea Marshall Group Commander Rosendo Abinoja III at Ensign Jhonaly Cachuela ng Maritime Security and Law Enforcement Command, hinakot ang dalawang truckloads ng construction materials na ipinamahagi tulad ng mga plywood, coco lumber, galvanized iron sheets, hammers, aluminum nails, hand saws, at single-layer modular relief tents na may kasamang blankets, patungo sa bagong tayong San Miguel gymnasium, kung saan nag-aantay ng ayuda ang libong apektadong residente.
Isang maiksling turnover program ang isinagawa sa naturang lugar na dinaluhan nina San Miguel Mayor Roderick DG Tiongson, Vice Mayor John “Bong” A. Alvarez, Rep. Lorna Silverio ng ikatlong Distrito ng Bulacan, PLt. Col. Relly Arnedo, officer-in-charge ng Bulacan Provincial Police Office, at San Miguel Police Station chief PLt. Col. Romualdo Andres.