CABANATUAN CITY, Nueva Ecija, Philippines — Walong indibidwal na tulak umano ng ipinagbabawal na droga ang nadakma ng pulisya sa magkakasunod na drug buy-bust operations na isinagawa ng pulisya sa limang bayan at isang lungsod sa lalawigang ito, noong Miyerkules.
Nabatid kay P/Col. Rhoderick Campo, provincial director ng Nueva Ecija Police, tinatayang 21.01 gramo ng umano’y shabu at 3 gramo ng marijuana na aabot sa P206,630 ang halaga ng nasamsam sa 7 drug stings na isinagawa ng pulisya ng Llanera, Nampicuan, Talavera, Cabiao, San Leonardo at Cabanatuan City.
Kinabibilangan ang mga nahuli ng anim na lalaki at dalawang dayong babae na kinilalang sina Dominador Leal, 60-anyos, may-asawa at magsasaka ng Brgy. Victoria, bayan ng Llanera; Vincent Elpeo, 21, binata ng Barangay San Roque, Guimba, NE; Jacque Lou Mutuc, 28, at Mae-Ann Nicole Gutierez, 18, kapwa ng 2608 Tondo, Maynila; Aristeo Cunanan, 44, binata ng Brgy. Sta. Isabel, Cabiao, NE; Kenneth Santos 36, may-asawa, obrero ng Brgy. San Josef Sur, Cabanatuan City, at June Barlinan, 51, binata, pintor ng Brgy. Caudillo, kapwa ng lungsod na ito; at Robert dela Cruz, 46, may-asawa at truck driver ng Brgy. Nieves, San Leonardo, NE.
Sa walong nadakip, ang dalawang dayong babae na sina Mutuc at Gutierez na hinuli ng mga tauhan ng Talavera Police ang nakuhanan ng malaking bilang at halaga ng umano’y shabu na aabot sa 20.3 gramo ng shabu na may street value na P200,000 na nakalagay sa 7 plastic sachet.
Ang walong suspek ay nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.