MANILA, Philippines — Patay ang dalawang pulis at dalawang negosyanteng magkapatid nang magbarilan habang isinisilbi ng mga awtoridad ang warrant of arrest kahapon ng madaling araw sa Barangay Bialong, Mlang, North Cotabato.
Nakilala ang mga nasawi na sina Master Sgt. Fletcherlyn Dominic Pido, Staff Sgt. Arman Alquiza Bada, John Kevin Papna, 35, at Jerson Rey Papna, 26, may-ari ng kainan na “Kambingan”.
Sa report na tinanggap ni Police Regional Office-Soccsksargen director Brig. Gen. Alexander Tagum, naganap ang insidente dakong alas-5:30 ng hapon sa harap ng JK Kambingan sa Purok 1 Barangay Bialong, M’lang.
Ihahain umano ng mga pulis ang warrant of arrest na inisyu ni Regional Trial Court Branch 23 Judge Jose Tanalgo Tabosares ng Kidapawan City laban sa magkapatid nang kumasa ang mga ito at magkaroon ng shootout.
Nagulantang na lamang ang mga residente sa sunud-sunod na mga putok ng baril. Nakita na lamang na nakabulagta na ang dalawang pulis at magkapatid na Papna matapos humupa ang barilan.
Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng mga pulis sa insidente.