PAGALUNGAN, Maguindanao, Philippines — Anim na mga bagong miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang sumuko sa tropa ng 90th Infantry (BIGKIS LAHI) Battalion at Pagalungan Municipal Station sa Pagalungan, Maguindanao, kamakalawa.
Ang mga dating extremistang grupo sa ilalim ng Karialan faction ng BIFF ay iprinisinta kay BGen Roberto Capulong, Commander 602Bde at kay Hon. Salik Mamasabulod, Municipal Mayor ng bayan ng Pagalungan sa isang simpleng seremonya sa Municipal Hall, Brgy Poblacion, Pagalungan.
Kasama sa mga isinuko ng anim ang mga bitbit nilang armas na dalawang M14 Rifles, isang Garand Rifle, isang 5.56mm Carbine, isang locally made Cal 50 Barret Sniper Rifle at isang RPG with ammo.
“Nagpapasalamat po kami sa tropa ng pamahalaan dahil hindi nila kami tinuring na mga kalaban, sa halip ay tinulungan pa kami na magbagong buhay”, wika ng isa sa mga sumuko.
“Pagod at hirap na ang aming kalagayan sa bundok, wala na kaming makain at wala ring suporta sa amin. Dagdag pa dito ang patuloy na pagtugis ng mga sundalo sa amin” dagdag pa ng mga ito.