MALOLOS CITY, Bulacan, Philippines —Upang maiwasan ang mga aksidenteng may kinalaman sa mga paputok, sinigurado ni Gob. Daniel Fernando kasama ang Pyrotechnic Regulatory Board (PRB) na magkakaroon ng ligtas at payapang pagdiriwang sa lalawigan ang mga Bulakenyo sa isinagawang inspeksyon ng mga firework stalls sa Brgy. Turo, Bocaue, Bulacan kamakalawa.
Kilala bilang “Pyrotechnics Capital of the Philippines”, tiniyak ni Fernando na ang mga gumagawa ng mga paputok at pailaw, mga nagbebenta at nagtitingi sa Bulacan ay sumusunod sa Executive Order No. 28 - Providing for the Regulation and Control of the Use of Firecrackers and Pyrotechnic Devices ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagsasaad na ang paggamit ng mga paputok at iba pang katulad na produkto ay hindi tuluyang ipinagbabawal bagkus ay nililimitahan lamang upang makaiwas sa mga aksidente.
Alinsunod dito, mayroon lamang 88 lisensyadong nagbebenta ng mga pailaw at paputok sa lalawigan at 21 na lisensyadong gumagawa nito na pinapayagang magbenta ng mga nasabing produkto.
Sinabi ni Inh. Celso Cruz, presidente ng Philippine Pyrotechnics Manufacturers and Dealers Association, na ang mga paputok na sobra sa timbang at laki na may laman na lagpas sa 1/3 na kutsarita o higit sa 0.2 na gramo ng net explosive ingredients ay hindi pinapayagang gamitin at kung walang wastong regulasyon, maaari itong magdulot ng panganib sa kalusugan.
Kahit na pinapahintulutan ang paggamit ng ibang mga pailaw at mga paputok, pinaalalahan ni Provincial Director Lawrence Cajipe na ang pagkakaroon ng organized events na maaaring makaakit ng mga tao ay hindi sinasang-ayunan dahil sa pandemya.
Sinusunod rin sa mga lugar na may tindahan ng mga paputok ang “No Testing and No Smoking” na polisiya kung saan ang mga may-ari ng tindahan ay obligado rin na maglagay ng mga malalaking container na may lamang tubig para sa pag-iingat.
Maliban dito, sinunod din ng mga nagtitinda ang IATF regulations sa social distancing at safety health protocols na nakita sa isinagawang inspeksyon.