TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines – Arestado ang dating congressional consultant ni Isabela Governor Rodolfo Albano III matapos mahulihan ng droga at baril sa ikinasang buy-bust operation ng pulisya sa Brgy. Balzain East ng lungsod na ito kamakalawa.
Sinabi ni Cagayan Police Director Colonel Ariel Quilang na dinakma ng mga operatiba si Benedict Palogan matapos bentahan ng isang sachet ng shabu ang undercover agent ng pulisya sa Rizal St., nasabing barangay.
Nasamsam kay Palogan ang lima pang sachet ng shabu, P2,000 marked money at isang cal. 38 revolver na paltik.
Ayon kay Quilang, si Palogan ay isang high value target (HVT) na matagal na nilang isinailalim sa surveillance dahil sa madalas nitong pagkakasangkot sa drug trade.
Sinabi naman ni Albano na hindi niya kukunsintihin si Palogan na isa pa namang malayong kamag-anak. Aniya, matagal na niyang ipinasok sa rehabilitation center sa Tagaytay si Palogan at muling kinuha sa Kongreso sa pag-aakalang nagbago na. Gayunman, nilinaw nito na nang maupo siya bilang gobernador ay sinibak na niya si Palogan na patuloy na ginagamit ang kanyang pa-ngalan.