Sa Pangasinan at Masbate
MANILA, Philippines — Apat na katao ang nasawi habang labing-apat naman ang mapalad na nakaligtas makaraang tumaob ang sinasakyan nilang bangka sa magkahiwalay na insidente naganap sa probinsya ng Masbate at Pangasinan nitong nakaraang araw ng Linggo.
Sa unang ulat, nilamon ng ilog ang mga biktimang sina Michael Salvador, 39-anyos at Gian Carlo Salvador, Grade IV student habang masuwerteng masuwerte namang nasagip ng isang mangingisda sina Fernando Bernardo, 58 taong gulang at Rizalino de Leon,15-anyos matapos na tumaob ang sinasakyan nilang bangka sa Agno River, Brgy. Baay, Lingayen, Pangasinan.
Batay sa ulat ng Pangasinan Police, nangyari ang insidente dakong alas-11:15 ng tanghali habang lulan ng bangka ang mga biktima nang pagsapit sa gitnang bahagi ay bigla na lang umanong pinasok ng tubig ang kanilang sinasakyan dahilan upang ito’y lumubog.
Dito na nilamon ng ilog sina Michael at Gian Carlo habang masuwerte namang nailigtas ng sumaklolong mangingisda sina Fernando at Rizalino.
Samantala, sa Masbate, patay rin ang mga biktimang sina Ema Gutierrez Rabino, 78-anyos, residente ng Hillside, Brgy. Kinamaligan, Masbate City at Teresita Garganera, 59-anyos, residente ng Cataingan habang naligtas naman ang 12 pasahero matapos tumaob sa dagat ang kanilang sinasakyang bangka makaraang salpukin ng naglalakihang alon sa karagatang sakop ng Brgy.Tugbo sa bayan ng Mobo naganap dakong ala-1:20 ng madaling araw. Agad namang sumaklolo ang ilang mga mangingisda at mga miyembro ng bantay-dagat sa mga biktima at naisalba ang 12 pasahero habang patay nang maihaon sina Rabino at Garganera.