TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines - Nasa malubhang kalagayan ang mag-ama matapos salpukin ng pampasaherong bus ang kanilang traysikel sa kahabaan ng highway sa Barangay San Antonio, bayan ng Roxas, Isabela kamakalawa. ?Sinabi ni Isabela chief investigator P/Supt. Manuel Bringas, inoobserbahan sa Cagayan Valley Medical Center ang mga biktimang sina Michael Siblag, 42; at Virgilio Siblag, 14. Nabatid sa pagsisiyasat na biglang kumabig pakaliwa ang traysikel ng mag-ama at hindi napansin ang paparating na GV Florida Bus (BVR- 369) na minamaneho ni Gaylor Calimag na nasa kanilang likuran. Bumaliktad at dumausdos ang trike ng mag-ama sa kalsada habang sumuko naman si Calimag sa mga pulis matapos ang sakuna.