MANILA, Philippines – Siyam na pulis na nakatalaga sa Negros Island Region ang kinasuhan matapos na lumitaw na positibo sa paggamit ng droga, ayon sa ulat kahapon.
Base sa ulat, tatlo sa nasabing pulis ay nakatalaga sa Bacolod City police, apat sa Negros Occidental police provincial office at dalawa naman sa Negros Oriental provincial police office.
Una nang nasibak sa serbisyo si PO1 Ryan Lomugdang, dating nakatalaga sa Bacolod City police.
Ayon sa PRO 18, lima sa mga ito ay may ranggong PO1, tatlo ang PO2, isang PO3 at ang pinakamataas ay isang SPO1.
Sa ulat ni P/Chief Supt. Renato Gumban, director ng PRO 18, una nang isinalang sa drug testing ang 4,256 personnel bilang bahagi ng paglilinis kontra droga na siyang mahigpit na direktiba ni PNP Chief P/Director General Ronald “Bato” dela Rosa.
Nabatid na ang siyam na pulis ay namemeligrong madismis sa serbisyo na isinailalim sa Regional Holding Center habang dinidinig ang kasong administratibo at kriminal laban sa mga ito.
Samantala, umabot naman sa 41 pulis sa Negros Island Region ang inilipat ng assignments na hindi na saklaw ng rehiyon habang iniimbestigahan sa pagkakasangkot sa droga.