Sa gumuhong bundok.. Driver nalibing nang buhay!
Legazpi City, Albay, Philippines. – Isang driver ang nalibing nang buhay kasama ang kanyang minamanehong trak nang gumuho ang isang bahagi ng bundok sa Sitio Pinaric, Bgy.Ogod, Donsol, Sorsogon kamakalawa. Kinilala ang biktima na si Salvador Cadag, 40-anyos, ng naturang lugar na agad isinugod sa Donsol District Hospital makaraang mahukay ng rescue team subalit idineklara ng mga doktor na dead-on-arrival. Sa ulat na nakarating sa Camp Simeon Ola, dakong alas-3 ng hapon nang makita umano ng biktima ang unti-unting pagguho ng lupa sa bundok at ang dumadausdos na malaking punongkahoy patungo sa kanyang nakaparadang trak sa tabi ng bundok. Mabilis na tumakbo ang biktima at sumakay sa trak upang patakbuhin at ilayo ito sa lugar subalit sa bilis ng pangyayari ay kasama siyang natabunan ng tone-toneladang bumagsak na lupa.
- Latest