Lider ng drug syndicate, 4 pa tiklo
MANILA, Philippines – Nalansag ng mga awtoridad ang notoryus na sindikato ng droga kasunod ng pagkakaaresto sa lider ng grupo at apat na tauhan nito sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Poblacion, bayan ng Nabunturan, Compostela Valley noong Martes ng hapon.
Sa ulat ni P/Supt Danilo Macerin na isinumite sa Camp Crame, kinilala ang lider ng Alfeche drug group na si Roberto Barago Alfeche, alyas Bobby, 41.
Arestado rin ang mga kasamahan nitong tulak na sina Adonis Alforgue “Boboy” Guron, 25; Alejandro Tagudi, 29; Relly Boy “Biboy” Timogtimog Patilang, 21; at si Jessica Ago “F” Brudios.
Ayon kay Macerin, bandang alas-4:15 ng hapon nang ilatag ang buy bust operation laban sa mga suspek sa Purok 2.
Hindi na nakapalag ang mga suspek matapos na mahulog sa bitag ng mga operatiba ng pulisya.
Nasamsam sa mga suspek ang 14 plastic sachets ng shabu, 9 kilograms na nagkakahalaga ng P80,000, mga drug paraphernalia, limang cellular phone, cash at mga bala.
Nabatid na nakatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad hinggil sa pagkakasangkot ng sindikato ng droga sa talamak na pagbebenta ng shabu sa lalawigan.
Inihayag pa ng opisyal na sinampahan na ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Drugs Act) at RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) ang mga suspek.
- Latest