MANILA, Philippines – Patay ang 56-anyos na lalaki na wanted sa batas nang makipagbarilan sa pulisya sa Brgy. Libertad, Sta. Monica, Surigao del Norte kamakalawa ng umaga.
Kinilala ng mga awtoridad ang suspek na si Rogelio Dumanhog alyas Dodong Intsik, may-asawa at residente sa nasabing lugar.
Sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-3:45 ng umaga nang magtungo ang arresting team ng Sta Monica Police sa lugar upang isilbi ang warrant of arrest na ipinalabas ni Judge Merlyn Pacaro-Cañedo ng Regional Trial Court, 11th Judicial Region, Branch 29, Bislig City. May kasong illegal possession of firearms and ammunition ang suspek.
Ngunit sa halip na sumuko ay nagtangkang tumakas ang suspek na tumalon sa bintana at mablis na nakipagbarilan sa mga pulis.
Nasamsam naman sa crime scene ang isang unit ng Cobray M11 caliber 9 MM pistol na may magazine at may lamang 20 bala, isang kulay brown na sling bag, pitong basyo ng bala ng cal 9 MM at tatlong basyo ng bala ng M16 rifle.