MANILA, Philippines - Pinabulagta ang 63-anyos na hukom sa Sharia Circuit Court matapos pagbabarilin ng di-kilalang lalaki sa kapitolyo ng Jolo, Sulu noong Huwebes ng hapon.
Kinilala ang biktima na si Ibnohajar Puntukan ng Barangay Alat at presiding Judge ng 1st Sharia Court sa Jolo.
Si Judge Puntukan ay nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan kung saan namatay dakong alas-10 ng gabi ilang oras matapos isugod sa Sulu Provincial Hospital.
Sa ulat ng joint task force, sinabi ni Captain Rowena Muyuela, spokesperson ng AFP-Western Mindanao Command, naitala ang karahasan sa bisinidad ng Magno Street, Brgy. San Raymundo dakong alas-2:45 ng hapon.
Mabilis na tumakas ang gunman kung saan sinamantala ang pagkakagulo ng mga tao sa kapitolyo na nakasaksi sa pamamaril.
Nabatid na bago ang insidente ay ilang kalalakihan ang namataang umaaligid sa mga lugar na madalas puntahan ng biktima habang patuloy naman ang imbestigasyon.