Bus vs trak: Konduktor patay, 21 sugatan
MANILA, Philippines - Sinalubong ni kamatayan ang isang konduktor habang 21 iba pa ang malubhang nasugatan makaraang magbanggaan ang pampasaherong bus at kasalubong na truck sa kahabaan ng North Luzon Expressway (MLEX) sa Pampanga kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang biktimang si Benedict Dipan, konduktor ng Victory Liner Bus habang isinugod naman sa Jose Ligad Hospital ang mga sugatang biktima kabilang ang driver ng bus na si Renato Fajardo na nasa malubhang kalagayan matapos mabalian ng dalawang paa.
Sa ulat ng Pampanga PNP na nakarating sa Camp Crame, sa tindi ng pagkawasak ng bus ay kinailangan pang gamitan ng makabagong heavy equipment upang maialis sa pagkakaipit ang konduktor at maging ang driver ng bus.
Ayon sa pulisya, naganap ang trahedya pasado alas -12 ng madaling araw sa acceleration lane ng NLEx kung saan sangkot ang nasabing bus at 14-wheeler truck na kapwa kalalabas lamang sa gasolinahan sa nasabing lugar.
?Ayon sa pulisya, parehong may pagkukulang ang driver ng truck at ng bus na posibleng maharap sa mga kasong homicide resulting in multiple physical injury and damages to property.
- Latest