LEGAZPI CITY, Albay, Philippines – Napatay ang 22-anyos na lalaki ng kanyang nakatatandang utol makaraang masaksak habang nag-aagawan sa patalim sa kanilang bahay sa Barangay Caditaan, bayan ng Ragay, Camarines Sur kamakalawa ng hapon. Napuruhan sa tiyan ang biktimang si Ricky Bagangan habang nasakote naman ang suspek na si Francisco Bagangan, 26, kapwa nakatira sa nasabing bayan. Base sa police report, sumugod ang biktimang may hawak na pamalong kahoy sa bahay ng kanyang utol kung saan nagsisigaw ito. Gayon pa man, naagaw ng suspek ang hawak na kahoy ng biktimang sinasabing may kapansanan sa pag-iisip. Subalit kumuha naman ng patalim ang biktima at tinangkang saksakin ang kanyang kuya subalit sa hindi inaasahang pagkakataon ay nasaksak ang sarili matapos muling mag-agawan ang mag-utol.